![]() |
Abante,
abante |
|
PEOPLE ISSUES |
Firebrand. Walang katapat sa pakikipagtunggaliang polemikal sa kampus. Matapang. Mainit manalita. Activist par excellence. Hindi nakapagtatakang si Amante Jimenez Jr. ang pinakatanyag na naging student leader sa UP ng dekada '90. Nakita ng mga estudyante kay Amante ang karisma at kabangisan ng mga nakaraang naging tanyag na lider-estudyante sa UP. "Binibiro pa namin yan si Amante," ayon kay Bomen Guillermo, kontemporaryo ni Amante sa student movement. "Payat siya, naka-salamin. Kamukha ni Joma (Sison)." Hindi lang Joma, tipong Lean Alejandro pa ang itsura. BS Math ang pinasukang kurso ni Amante sa UP noong 1985. Nagmula raw kasi si Amante sa pamilya ng mga mathematician. Ngunit sa ikalawang taon niya, lumipat si Amante sa Philippine Studies, dala ng hangaring maglingkod sa bayan. Dahil dito'y hindi naiwasang makisangkot si Amante sa mga usaping pampulitika ng kampus. Pumasok siya sa League of Filipino Students (LFS), at naging chairperson nito noong 1988. Naging epektibong porma ng pangrerekrut ni Amante sa LFS ang kanyang pagkanta. "Magaling yan kumanta si Amante," alaala ni Guillermo. "Kapag dumaraan ka sa 2nd floor AS Lobby, kung saan ang tambayan ng LFS noon, hindi puwedeng hindi ka mapalingon." Usong-uso pa noon ang mga neo-ethnic music ni Joey Ayala. "Tila mas magaling pa siya kumanta kaysa mismo kay Joey Ayala," dagdag pa ni Guillermo. Bagama't naging mas matimbang para sa kanya ang maglingkod, hindi naman naging hadlang ito sa kanyang academics. "Wala siyang naging problema sa grades niya," ayon kay Ma'am Adelaida Villafuerte ng AS 101. "Pero lagi ko yang kinukulit sa thesis niya noon." Taong 1988 nang tumakbo at naging no.1 councilor siya sa USC elections sa ilalim ng dating Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan (SAMASA). Sa sumunod na taon, nagwagi si Amante bilang USC Chairman. Sa isa sa pinaka-lopsided na eleksyon sa kasaysayan ng USC, nakuha ng SAMASA ang 13 sa 14 na posisyon ng konseho. Umupo rin siya bilang Student Regent (SR) sa sumunod pang taon. "Marami nang problema noon sa SAMASA," ayon kay Guillermo, "pero dahil sa kakayahan niyang magsalita at makipagtunggali, nagawa niyang maipaliwanag sa mga estudyante ang militanteng linya nito. At napakaraming bilang ng estudyante ang bumoto sa eleksyon dahil dito." Pinamunuan ni Amante ang mga kampanyang anti-STFAP sa pamantasan sa unang taon ng pagpapatupad nito. Bumuo ang konseho ng alyansa-ang Koalisyon Laban sa STFAP (KLS)-upang magkampanya para sa pagbabasura ng STFAP at manawagan ng mas malaking subsidyo ng estado sa edukasyon. Mariing naipanindigan ni Amante ang mga posisyong ito sa kabila ng pagkukumpromiso ng ilang grupo ng mga estudyante na nananawagan din para sa sosyalisasyon at hindi pagdagdag ng subsidyo. Tampok din sa panunungkulan ni Jimenez bilang USC chairman at SR ang kampanya para sa pagpapatalsik ng Base Militar ng US sa Pilipinas. Naging tampok ng kampanyang ito ang LAKBAYAN, isang 92-kilometrong matrsa ng daan-daang estudyante ng UP mula Diliman hanggang Clark Air Base sa Pampanga. Marami pang lider-estudyante ang sumunod kay Amante Jimenez na namuno sa konseho, tulad nina Rex Varona at Teddy Rigoroso ng dating SAMASA. Ngunit walang nakatapat sa antas ng pakikisangkot niya sa pakikibaka ng sambayanan. Ayon kay Guillermo, "Si Amante talaga ang pinakamatatag na nagtaguyod (ng demokratikong interes ng estudyante at sambayanan). Noon, hanggang ngayon, ay tinataglay pa rin niya ang mga prinsipyong ito. Hindi natin ito masasabi sa iba." |
Warning: main(../ads1.inc) [function.main]: failed to open stream: No such file or directory in /home2/peyupsc/public_html/dekada90/jimenez.khtml on line 129 Fatal error: main() [function.require]: Failed opening required '../ads1.inc' (include_path='.:/usr/lib/php:/usr/local/lib/php') in /home2/peyupsc/public_html/dekada90/jimenez.khtml on line 129 |