![]() |
Identipikasyon
sa ID |
|
PEOPLE ISSUES |
'Kakambal o kundi man salamin ng isang UP student ang kanyang UP ID. Para sa mga freshman (Batch '99) at sa mga sophomore (Batch '98) ngayong academic year, sila ang ginawang guinea pig ng bagong itsura ng UP ID. Polaroid ID ang tawag sa lumang ID na ayon sa UP admi ay natural na mape-phase-out. Tatlumpung taon na itong ginagamit simula 1967. Halos 4 cms x 6 cms ang sukat nito, parang na-hepatitis ang kulay, amoy mayabang na nagpapa-impress sa katabing nanunubok o sumisilip (na hindi taga-Peyups), malutong ang angas kapag pinipitik, madulas ang kutis tulad ng piling-piling kremang ipinapahid sa pandesal, at may lasang nakakatabil dahil maanghang mangatwiran at matalas manindigan. Sa kaliwang bahagi nito ay ang "ready, set, go" na itsura mong hinuli ng kamera, naka-background ang forever na telang kulay pula. Halos 8 points lang yata ang size ng mga font. Kulay puti naman ang bagong UP ID. Tatlong ulit ang kapal nito (pero halos pareho lang ng lapad at laki) at hindi nalulukot kumpara sa Polaroid. ALL CAPS na Arial Black ang naka-bold na font kaya kitang-kita ng sinumang katabing sisilip o babasa. May bar code daw ito, pangako ng UP admi, para isa-swipe na lang kung papasok sa laybrari. Pero hindi ito nagkatotoo hanggang ngayon. Kapag ipapa-counter sign naman para makahiram ng libro, quill at tintang pula o asul ang ginagamit ng laybraryan sa Polaroid. Istiker naman ang isinasalpak sa likod ng bagong ID. Ito ang semestreng nagsasabi kung kailan ka huling nag-enrol at makakagamit ng laybrari. Sa kabuuan, halos pareho lang ang salansan ng mga impormasyong nakatala sa bago at lumang UP ID. Kaya lang, mas amoy-Central Bank ang mala-ATM card - na siya namang esensya nito. Pera rin kasi ang itsura nito, at tirahan nito ang wallet. P130 ang processing fee (kumpara sa P30 lang na bayad sa Polaroid ID). Gumastos naman ang UP admi ng P300,000 para sa photo machine. Kung tutuusin, simbolo lamang ang mala-ATM ID ng dalawang bagay. Una, patunay ito sa kasalukuyang komersyalisadong edukasyon ng UP. Wallet at planner ang karaniwang sinapupunan ng magkamag-anak na mala-ATM ID card at Form 5 write-in form (na itinitiklop din ng apat na ulit tulad ng isang perang papel). Sinasabi nito: pera ang hangad ng pag-aaral; makasariling seguridad sa buhay ang hantungan ng pagsusunog ng kilay. Pero iyon nga, tanging ang mga may pera lamang ngayon ang nakakapag-aral -- isang patunay na maski ang edukasyon na dapat sana'y pampublikong serbisyo ay umiigting na sa antas ng komersyalismo at konsyumerismo. Kaya wala nang pinakamabisang simbolo para rito kundi ang ATM na singkahulugan nang mabilisang konsumpsyon. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na kasama sa kampanya ng mga estudyante na alisin ito dahil kabilang sa "unnecessary fees." Ikalawa, agarang nakakamit ng UP admi ang fetish sa ilusyong maging globally competitive - at naipagyayabang ito sa sinumang makakakita. Ganito naman kasi ang konteksto ng pagpapalit ng UP admi sa ID. Bukod sa hype sanhi ng centennial mode ng bansa, 1998 nang baguhin ang UP ID. Ito ang ika-90 taon ng UP, at una sa sampung taong paghahanda para sa kanyang centennial celebration naman sa 2008 bilang pangunahing komersyalisadong "state university." Nangangahulugan ito - kung bubusisiin ang U. P. Plan 2008 -- ng maigting na pangangalap ng pera para tugunan ang iniilusyon. Haytek na ba ang pag-aaral kapag nakita ang ATM card kahit hindi naman sapat ang ratio sa bilang ng mga libro at ng mga estudyante? O 'yung kulang ang mga facilities at mababa ang sweldo ng mga empleyado? Sa pamamagitan ng mala-ATM ID card, hinihigop nito ang katwiran ng komersyalisadong edukasyon samantalang isinusuka naman ang mapagpalayang katangian ng karunungan. Halos totoo naman kasi ito ngayon: maraming guro ang off-line ang katwiran sa klasrum na singkipot ng ID at Form 5. |
Warning: require(../ads1.inc) [function.require]: failed to open stream: No such file or directory in /home/peyupsc/public_html/dekada90/id.khtml on line 135 Warning: require(../ads1.inc) [function.require]: failed to open stream: No such file or directory in /home/peyupsc/public_html/dekada90/id.khtml on line 135 Fatal error: require() [function.require]: Failed opening required '../ads1.inc' (include_path='.:/usr/lib/php:/usr/local/lib/php') in /home/peyupsc/public_html/dekada90/id.khtml on line 135 |