![]() |
Barangay
Granada |
|
PEOPLE ISSUES |
'Pag pinatulan mo ang "Gary G. Live!", hindi ang matangkad na mestisong pasayaw-sayaw na idolo ni Efren ang mapapanood mo, kundi isang maliit na mamang nakasalamin at nakangisi, at abuhin ang umurong nang buhok at makapal na bigote. Isang maliit na mamang malumanay ang boses, iyan si Gary Granada. Naging mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas si Gary noong 1976 bilang iskolar ng National Science Development Board (NSDB) sa kursong metallurgical engineering. Bagamat mas hilig daw niya ang mga kursong humanidades, "ang allowed lang kasi ng NSDB ay mga science courses," paliwanag niya. Palabiro rin pala itong si Gary. Sa live album ng kanyang Sa Uulitin concert, sinabi niya na uso pa sa UP noon ang pumasok kahit kupas ang pantalon at nakasalamin. Kaya naman kahit hindi malabo ang mata, nagsalamin siya. Kaya natuluyan. Tinapos niya sa unang dalawang taon ang mga GE subject sa UP Baguio kung saan nahalal siya bilang miyembro ng college council. Pagkatapos, lumipat siya sa UP Diliman, nagtrabaho bilang tagapagsaliksik, at tutor ng gitara sa mga estudyante ng Ipil dormitory. Pinasok niya rin ang "advertising." Ayon sa kanya, hindi sapat ang nakukuha niyang benepisyo sa NSDB kaya kailangan niyang kumayod. Hindi nga lang natapos ni Gary ang undergraduate program niya. "Pumutok" na lamang sa madala ang pangalang Granada nang sumikat ang kanyang 'Pag Nananalo/ Natatalo ang Ginebra noong 1997. Sinundan ito ng pagwawagi niya sa Metro Manila Popular Music Festval o Metropop para sa Mabuti Pa Sila (1998). Ngunit bago pa man ang huling bahagi ng dekada '90, kilala na siya sa sirkulo ng mga kompositor at mang-aawit ng mga progresibong awitin. Sa loob ng dalawang dekada, nakagawa na siya ng mahigit 200 kanta. Kabilang din dito ang Salamat, Salamat Musika (1984) na dati ring nagwagi sa Metropop. Umani na siya ng maraming tropeo't parangal ngunit wala siya ni isang itinago sa kanyang maliit na opisina sa PCED Hostel. "That's not what I do. Hanapbuhay lang 'yun," wika niya. Mas nais daw niyang maging bahagi sa proseso ng re-oryentasyon ng publiko sa pangkalahatan - isang bagay na malinaw sa kanyang mga naunang komposisyon. Patuloy namang pinapamalas ni Gary Granada ang mga pakikipagsapalaran ng karaniwang tao sa kanyang mga huling komposisyon. Subalit wala na ang pahiwatig ng hinahanap niyang "re-oryentasyon." Sana, sa muling pag-alingawngaw ng kanyang mga susunod na awitin sa radyo, ay magpasabog siyang muli ng pag-asa. |
Warning: main(../ads1.inc) [function.main]: failed to open stream: No such file or directory in /home2/peyupsc/public_html/dekada90/granada.khtml on line 112 Fatal error: main() [function.require]: Failed opening required '../ads1.inc' (include_path='.:/usr/lib/php:/usr/local/lib/php') in /home2/peyupsc/public_html/dekada90/granada.khtml on line 112 |