Peyups Shirt Design
 
Hi Anonymous!
Login or signup to access your account.

MEMBERS
Username

Password


Lost Password | Register
Currently there are 261 users online.

Column Lightning Crashes : Palimos ng Kulangot
Contributed by roni_bats (Edited by amplifier)  
Monday, November 28, 2005 @ 12:00:05 AM
Print | Send

“Kuya, penge ng kulangot,” sabi niya.

Ang unang pumasok sa isip ko, hindi ko siya kapatid. Noon lang kami nagkita; nagkataong siya ang nakatabi ko sa bus pauwi. Kung akala niya, nadadala ako sa pa-“Kuya, kuya” ng mga taong hindi ko kilala, nagkakamali siya. Pangalawa, sa pagkakaalam ko, ang kulangot ay sinusungkit mula sa ilong upang ipahid sa ilalim ng mesa, idikit sa pader, iipit sa panyo, lunurin sa lababo o itapon sa basurahan. Hindi ipinapamigay ang kulangot. At pangatlo, sakaling nahihingi man ang kulangot, bakit ko naman ibibigay ang kulangot ko sa kanya? Habang nakasakay sa bus kasama ang humigit-kumulang animnapung pasahero?

“Wala akong kulangot.”

“Meron e. Kakasilip ko lang kaya! Dali! Penge na!”

Napakabastos naman nitong batang ito, sa loob-loob ko.

“Sabi nang wala e. Nasaan ba ang nanay mo?”

May halong paninindak ang tanong, nang sa gayon, maligaw na ang usapan at ako ay makasandal sa bintana upang matulog.

“Wala akong nanay. At wala rin akong tatay. Bigla na lang akong lumitaw sa mundong ibabaw.”

Gaaaaad. Kawawa naman ang batang ito; wala pang sampung taon, mukha nang takas ng psychiatry ward. Manghihingi ng kulangot, pagkatapos, sasabihing sumulpot na lang na parang kabute. Ayoko nang itanong kung ano ang pangalan niya, baka sagutin ako ng “Jesus Christ” at hindi ko kayanin.

“Boy,” hinawakan ko ang kanyang ulo at inilingon patungo sa telebisyon ng bus, “Mabuti pa, manood ka na lang. Baka sakaling matutunan mong hindi nahihingi ang kulangot at hindi mina-magic ang mga bata.”

“Hmp, madamot,” sambit niya sabay irap.

O, huwag nang patulan, pagpipigil ko sa sarili. Bata iyang aawayin mo, post-duty ka pa. Isang buong araw ka nang gising kakapaanak ng mga nanay, itulog mo na lang iyan.

Nakatitig na sa tv ang namamalimos ng kulangot. Kasalukuyang ipinapalabas ang isang tatay na nanghihingi ng donasyon para sa anak niyang may hydrocephalus: “Madalas nga, tinatanong naming mag-asawa sa Diyos, bakit kami pa? Sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit ang nag-iisang anak pa namin ang magkakasakit ng ganito.”

Mahirap siguro maging Diyos. Bagsakan ka na nga ng lahat ng hiling, bagsakan ka pa rin ng lahat ng sisi.

Araw-araw ko nang nakakasalamuha ang mga pasyente ng PGH. Hindi ko na sila kailangang mapanood sa telebisyon. Ikinabit ko ang baon kong earphones at pinatugtog ang radyo ng aking telepono. Kinakanta ng Hoobastank ang “I’m not a perrr-fect perrr-son….”

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 24 na oras, ipinikit ko ang aking mga mata.

Ginising ako ng marahang pagtapik sa aking balikat.

“Boss, saan kayo?”

Ang konduktor, naniningil ng pamasahe.

“Southmall, galing PGH, estudyante.”

Dinukot ko ang mga nakahandang barya sa aking bulsa. “Sino nga pala ang nagbayad dito?” pabulong kong tanong habang inginunguso ang katabi kong nakatulog din pala.

“Iyan? Walang bayad iyan,” mabilis niyang sagot saka abot sa akin ng tiket.

“Bakit?”

Subalit lumipat na siya sa susunod na hilera ng mga pasahero.

“E wala talaga akong bayad e!”

Aba! Gising pala ang mokong.

“Ano? Bibigyan mo na ako ng kulangot?”

Kung nagkataong may hawak siyang baril, malamang nakatutok na ito sa butas ng ilong ko. Para lang sa walang kakwenta-kwentang kulangot na gawa sa aking uhog at sa alikabok mula sa Ospital Heneral ng Pilipinas.

“Teka nga. Seryosong tanong, at kailangan ko rin ng seryosong sagot. Nag-iinit ang ulo ko sa mga pilosopo.”

“Tapos, ‘pag sinagot ko ang tanong mo, bibigyan mo na ako ng kulangot? Yehey!”

“Aanhin mo ba ang kulangot ko?”

Sa pagkakataong ito, umasa akong sisigaw siya ng “Wow! Mali!” o kaya ay “Yari ka!” at pagkatapos ay ituturo sa akin ang kamerang nakakubli sa isang maleta sa kabilang hanay ng mga upuan.

“Wala lang. Nangongolekta kasi ako ng kulangot.”

Uh-oh. Oras na para tumawag sa mental.

“E bakit hindi ka na lang mangulangot buong araw at magdamag?”

“Gusto ko kasi kulangot ng iba.”

“Ha? Aanhin mo naman ang kulangot ng iba?”

“Kinokolekta ko nga e. Ang kulit mo naman Kuya!”

At ako pa raw ang makulit!

“Bakit nga? Aanhin mo naman ang kulangot ng ibang tao?” Nakakunot na ang noo ko. Hindi na ako natutuwa.

“Wala lang.”

Weirdo. Mas gugustuhin ko pang mabiktima na lang ng isang practical joke show kaysa makipagtalo sa batang ito.

“Hindi pwedeng wala lang. Hindi pwedeng walang bakit.”

“Bakit naman hindi?”

“Ganun talaga kapag tumatanda ka na. Hindi pwedeng ‘wala lang’ dahil lahat ng bagay, may dahilan. Lahat ng pangyayari. Lahat ng hindi nangyayari. Lahat ng tuwa. Lahat ng luha. Lahat ng pagod. Lahat ng sakripisyo. Lahat ng nakakalimutan. Lahat ng nagbabago. Lahat ng nabubuhay. Lahat ng nagkakasakit. Lahat ng namamatay. Kahit kulangot ko, may dahilan kung bakit nasa ilong ko at wala sa kamay mo!

“Kapag matanda ka na, mahirap tanggapin na ang lahat ay nangyayari dahil ‘wala lang.’ Na lahat ng paghihirap mo sa araw-araw ay wala namang patutunguhan, at sa huli ay wala ring saysay. Para mo na ring inamin na ang buhay mo ay walang silbi. Naiintindihan mo ba iyon?”

Tulala ang bata.

Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima.

Anim. Pito. Walo. Siyam. Sam-….

“Ang sungit mo naman. Madamot ka na nga, masungit pa. Mabuti pa yung katabi kong babae kanina, binigyan agad ako ng kulangot. Wala nang ‘Bakit? Bakit?’”

Grrrr.

“E ‘DI SA KANYA KA HUMINGI, HUWAG SA AKIN!”

Akala ko, mapapaiyak ko ang batang walang nanay at walang tatay. Lagot kapag nagkataon.

Pero hindi siya umiyak. Bagkus, siya ay tumayo, nag-ayos ng nagusot na damit, humarap sa akin, tinitigan ako sa mata at nagsabing, “Alam mo, yung babaeng nagbigay sa akin ng kulangot, mas masaya siya kaysa sa iyo.”

Tinawag niya ang konduktor. Pinahinto ang bus at dali-daling bumaba.

Si Kuya?

Tulala.

Isa. Dalawa. Tatlo.

Apat. Lima. Anim.

Pito. Walo. Siyam.

Sampu.





###############
ronibats.com

Column - Lightning Crashes

Related links
gutterboy: blog ni roni_bats






Lightning Crashes : Palimos ng Kulangot | 41 comments
 

penge ng kulangot kuya! by kayish
Monday, November 28, 2005 @ 01:06:26 AM
wow. tagal ko naghintay ng artik mo ah. super busy ba talaga? anyways, hindi nga talaga lahat ng bagay ay nangyayari dahil wala lang. pero minsan parang mas masarap gumawa ng mga bagay nang wala lang. then after, marerealize mo na may sense pala yung output mo. kasi pag ginawa mo nang wala lang, mas enjoy. walang pressure. walang expectations. walang standards. but sometimes yung "wala lang", nagiging excuse lang din sa mga bagay na di natin talaga ma-explain. buti pa yung bata, mababaw ang kaligayahan sa buhay. kulangot lang, solved na! sana ganun na lang din sa lahat ng problema! nice artik! kakatawa na, kakatuwa pa! =)


Re: palimos naman by Lennex
Monday, November 28, 2005 @ 01:43:15 AM
hehe, nakakatuwa naman ang artik mo... as in napatawa mo ako ng husto... :)


  • Re: by roni_bats on Wednesday, November 30, 2005 @ 04:12:33 PM
nice artik by knightmind
Monday, November 28, 2005 @ 11:06:14 AM
maganda at nakakatuwa. dapat binigyan mo nalang. malay mo yung bata makapasok sa guiness bilang the kid with the largest collection of nose dirt.


Re: by you_me
Monday, November 28, 2005 @ 04:47:32 PM
hahaha!nice article!cant help smiling..wish ko lang di napansin ng mga katabi ko..hehehe


  • Re: Pasaway by roni_bats on Wednesday, November 30, 2005 @ 04:15:21 PM
Re: funny by xyene
Monday, November 28, 2005 @ 06:25:07 PM
LOL! this is one funny article! in fairness, meron pari siyang 'moral lesson' in the end.. Kulet!


  • Re: Moral muna by roni_bats on Wednesday, November 30, 2005 @ 04:28:41 PM
Re: holy... by aaliyah
Monday, November 28, 2005 @ 08:17:30 PM
totoo bang pangyayari to? grabe naman. hindi ko alam kung matatawa ako o feeling twilight zone tong karanasan mo.


  • Re: Fiction by roni_bats on Wednesday, November 30, 2005 @ 04:30:56 PM
Re: nice artik! by baader
Tuesday, November 29, 2005 @ 12:04:45 PM
you should have left the kid to plow his own field. the best way to kill a conversation is to remain silent. mararamdaman rin niya ang pagka-apathetic mo.

on the other hand, kung pinagbigyan mo na lang yung bata, hindi ka gaanong mae-stressed out. sapat na ang "wala lang" na sagot niya kasi wala rin namang reason siya maliban sa gusto niyang manghingi ng kulangot. sa huli, malalaman mo rin how it feels to give your precious kulangot to someone you think was irrelevant. perhaps yun yung kanyang reason: kung satisfying ba o hindi ang paghingi at pagbigay ng kulangot.

dahil sa paghahanap ng rationality sa lahat ng mga bagay, pangyayari at nangyayari, maliit man o malaki, muli nating binibigyan ng panibagong depth ang mga linya sa mukha natin.


Re: by doc_13
Tuesday, November 29, 2005 @ 02:40:15 PM
really gr8 article..

kung pwede lang ibalik yung oras na sobrang simple lang ang lahat..

less wants. less needs.

simple. masaya.


  • Re: Agree =) by roni_bats on Wednesday, November 30, 2005 @ 04:49:53 PM
galeng! by shadow1987
Tuesday, November 29, 2005 @ 05:04:57 PM
wasabi!^_^ galing tlg!kla ko kng ano un....haha!great!


Re: by wesoid
Tuesday, November 29, 2005 @ 08:43:21 PM
galeng mo talagang mag-inject ng profoundness sa mga napaka-mundane na bagay.

bow.


Re: Significance by veritas
Wednesday, November 30, 2005 @ 06:03:04 AM
Entertaining article but I'm still trying to guess the hidden significance or meaning of the kulangot if ever there is.

Sa tingin ko kasi kahit ang psychiatrically-challenged na bata ay hindi manghihingi ng kulangot ng iba.


  • Re: by jammygrl08 on Sunday, January 01, 2006 @ 08:25:44 AM
Re: kse naman... by gelai
Friday, December 02, 2005 @ 01:11:11 AM
kase naman...sa tingin ko mas masaya nga ang babaeng nagbigay na lamang. minsan kailangan kse talaga natin tanggapin ang 'wala lang' kesa sa sumakit pa ang ulo natin sa pgiisip ng mga dahilan...<br><br>
anu pa man, napakaganda. very symbolic. sana ay makakita din taio ng kaligayahan sa mga maliliit na bagay tulad noong bata...<br><br>
at sana ay mapagbigyan din taio ng ibang tao sa ating mga simpleng nais para tayo'y lumigaya.<br><br>
kpag nalungkot ako, manghihingi na lang din ako ng kulangot. sana may magbigay. hehehe,,


Re: Galeng!!! by mandreie
Friday, December 02, 2005 @ 06:54:06 PM
Yung thought nya parang "The Little Prince" ni Antoine de Saint-Exupery... There is one line there, "I am concerned with matters of consequence. I don't amuse myself with balderdash"....


Re: ng dahil sa kulangot... by kemigirl
Sunday, December 04, 2005 @ 11:26:40 PM
...nasabi ng bata kung masaya ba ang isang tao o hindi. sa paningin ng bata, masaya ang babae dahil walang atubili niyang ibinahagi ang kanyang kulangot samantalang ikaw ay ipinagdamot ang iyong kulangot dahil sa maraming dahilan... hmmm... thanks sa realization... ang ganda ng aral ng bata at ng kulangot. hehe


at least... by ninibeLLes
Thursday, December 08, 2005 @ 01:04:12 AM
...hindi uhog mo yung hiningi niya. mas katakot-takot na paliwanag ang kelangan mo dun. :)

ano nga kaya kung may bata talagang nanghihingi ng kulangot sa bawat bus ano? riot siguro yun.

nice artik.


lightning crashes by amir_of_rap
Friday, December 09, 2005 @ 08:30:49 AM
ito na ang paborito kong kolum.
astig ang mga artik mo :)

natawa ako dito, true story ba 'to?


Re: lol by babaeng_grasa
Sunday, December 18, 2005 @ 03:30:08 PM
ahaha ang kulit.. :)


Yak by skwayred
Tuesday, December 20, 2005 @ 07:01:03 PM
Nai-imagine ko na ang koleksyon n'ya ngayon pa lang. Hmm, pero ano kaya ang gustong ipahiwatig nu'ng bata na mas masaya ang babaeng nagbigay sa kanya ng kulangkot kaysa sa'yo?


  • Re: hhmm.. by FRUST on Tuesday, March 28, 2006 @ 05:47:06 PM
Re: haha by charleywah
Tuesday, December 27, 2005 @ 02:32:28 PM
nice one...i enjoy reading it...


Ward 7 by supahsushi
Thursday, December 29, 2005 @ 04:57:07 PM
Anong inspirasyon mo nang isulat mo 'to? Kulangot talaga? Haha..


cool! by ayx
Friday, December 30, 2005 @ 03:54:27 PM
you are so good! simple stories hold meaningful messages...
nice to read this one while writing complex programs here in the office! that's why i commonly read your articles in the office to ease off the stress... cheers!


Re: eto yung kulangot...Ü by booyah_kulit
Tuesday, January 03, 2006 @ 08:43:48 PM
grabe, onga naman noh? bakit nga kaya ang tao, ayaw ng walang dahilan? pero minsan, mas madaling sabihing "wala lang" kasi di mo rin alam kung bakit mo ginagawa ang isang bagay.. basta nage-enjoy, ayos na! hehe, saya basahin ng artik mo...Ü


Re: by projectwill
Wednesday, January 04, 2006 @ 09:03:39 AM
tama talaga! were so selfish nowadays that find it hard to part with anything - even nose boogers!

great article!


  • Re: by koldHeart on Sunday, March 19, 2006 @ 11:08:32 PM
(-_- by class_clown
Thursday, January 12, 2006 @ 07:22:11 AM
malaki na ang respeto ko sa kulangot
hehe...


kulit. by neoreo09
Thursday, February 16, 2006 @ 09:03:32 PM
kulit ng bata, pero mas makulit ka. kulangot lang eh...


ronibats! by liberty
Monday, March 13, 2006 @ 10:34:58 PM
hehe... maganda... kulangot gusto mo? ÜÜ


Re: natatawa ko by FRUST
Tuesday, March 28, 2006 @ 05:42:56 PM
hahaha ewan ah..pero while reading tawa talaga ko ng tawa,,,hahahha obviously hanggang ngayon tumatawa pa din ako diba...hehehe oo nga..lahat may dahilan..pero ewan bakit ba minsan wala talagang mahanap na dahilan pero meron talaga..ewan ko ba...do i make sense?hay...nakakatuwa po artik mo...:)


Re: weird by micel
Friday, April 07, 2006 @ 05:46:03 PM
weird ang feeling pero after i read this artik, parang na-inspire din ako magsulat..hehe. small moments say alot. hindi man literal na sinabi ang tunay na meaning ng sinulat mo...[well siguro depende na rin sa nagbabasa at interpretasyon nila], i know for sure you have your own version ng real meaning ng kwento na ito sayo...sana malaman ko..hehe...by the way...kakatapos ko lang maisulat ang naisip ko after i read this..salamat sayo!


 
Google
  Web www.peyups.com   
Manila Tagaytay Cebu Baguio
Boracay Wedding Photographers

Kinetic HTML Co. © 1999-2007
Kinetic HTML Co.
All rights reserved.