Ang gulo ng buhay ko non. Mahal ko si EJ kung pagmamahal nga yon. Pero kung hindi man, siguro ay dahil gusto ko lang mag-enjoy. Masakit sa ulo ang may boyfriend!
Feeling ko mas madaling humanap ng ‘matinong’ kausap sa chat lalo na pag matiyaga ka lang magbabad sa computer. Hindi naman ako adik at mas lalong hindi ako frustrated na magkaboyfriend! Nagkataon nga lang na kaya kong magtiyaga hanggang 14 oras para makipagusap sa mga taong-pakiramdam-ko-niloloko-ako-pero-para-sakin-okay-lang. Sinasamantala ko ang pagkakataon na wala akong klase. Kahit na may exam, sige chat pa rin.
Napakaformal niya ng magpakilala. Naka full text pa! Feeling ko gentleman siya, kaya naman kahit nag-aaway kami ng boyfriend ko malugod ko pa rin siyang kinausap. Siguro sa tampo ko kay EJ napilitan lang akong itext siya. Pakiramdam ko kasi wala na rin mangyayari sa amin. Hindi ko alam kung kagagahan ang ikwento ko sa kanya ang nangyayari samin ni EJ ng gabing yon, pero naging magaan ang pakiramdam pakatapos non. Sa totoo lang kala ko kaibigan lang siya ni EJ na sinusubukan ako. Kaya naman sabi ko sa kanya nasa gimik lang ako kasama ang mga pinsan ko - na medyo may tama na ako dahil maramirami na rin ang naiinom ko etsetera, etsetera. Pero ang totoo nasa kwarto lang ako – nagmumukmok. Pilit na inaalis ang hinanakit kay EJ. Tangna. Wala rin naman akong magagawa kahit na sumigaw ako. Naisip ko na tumawa. Tumingin ako sa salamin. Nakangiti nga naman ako! Pero mas naawa lang ako sa sarili ko. Sabi ko sa sarili ko na kung nakaya akong ipagpalit ni EJ dahil sa magkalayo kami, dapat kayanin ko rin na kalimutan siya. Tanga ba ako kung tinamaan ako kay EJ, kahit na isang beses pa lang kami nagkikita?
Wala na akong nabalitaan kay EJ pakatapos non…
Dalawang araw na lang bago ang valentine’s. Manhid na ako. Pero nagparamdam na naman siya. Kinabahan ako dahil sa mga walang kwentang naming palitan ng I love you sa text. May kasama pang ‘so much.’ PWE! Pero, pumayag naman akong makipagkita sa kanya kahit na alam kong magulo pa rin sakin ang lahat. That time, parang kami na, pero hello?! tulad ng iba dyan sa text lang din. Hindi naman ako takot makipag-EB. Marami na akong nakilala at wala namang tumakbo sa kanila! February 16 yon. Nagpretend akong nagulat sa white roses na ibinigay niya na may ‘ I love you’ na nakasulat sa isang maliit na pulang karton na tiniklop. Pero bale wala sakin yon. Alam ko tulad rin siya ng iba na naghahanap ng babaeng bibiktimahin. Ilang beses na rin kaming lumabas o nagdate, whatever! Parati niya akong inihahatid sa bahay. Nakilala niya ang mga pinsan ko. Hiniling niya akong tumigil magchat. Hindi ko alam seryoso pala siya. Pero wala pa ring nabago sakin. Ang totoo, mas naging malala pa ko. MALALA. Gusto ko parating may kausap, kahit sino. Nakikipagkita sa iba. Kunwari hindi ko siya kilala at walang nagbabawal sakin.
Nanibago na lng ako kasi naging tahimik siya. Tinanong niya ako kung anong problema pero wala akong maisagot. Natatawa ako. Pero nakita ko ang lungkot sa mga mata niya. Noon lang ako natauhan. Sinabi niya sakin na seryoso siya at handa siyang magsakripisyo para lang magbago ako. Hindi ko alam ang gagawin. Nakiusap akong iwan na lang niya. Tinanong ako kung yon ba talaga ang gusto ko, pero pawang luha lamang ang sagot ko.
Noon ko naramdamang umiyak muli. Hindi dahil sa nasaktan ako kundi dahil alam kong siya lang ang nagpahalaga sakin nang ganon. Gusto ko siyang yakapin pero natatakot ako - natatakot na aminin sa sarili ko na hindi ko kayang gantihan ang pagsasakripisyo niya sakin lalo na ang tanggapin na pinaniwalang mahal ko siya. Hindi maitatanggi sa mga mata niya ang sakit na nararamdaman na habang nagsasalita ay unti unting pumapatak ang mga luhang tila kay tagal na pinigil. Nakiusap siya na mahalin ko. Pakiramdam ko ako na ang pinakamasang tao dahil hindi ako marunong magmahal at kailangan pang pakiusapan. Sa unang pagkakataon niyakap ko siya. Ramdam ko ang katawan niyang nanghihina na tila sa isang batang iniwan ng ina. Alam kong alam niya kung ano ang ibig sabihin ng yakap na yon at ng mga luhang unti-unting dumampi sa kanyang pisngi…
Hindi siya mahirap mahalin dahil hindi ko rin pinilit ang sarili ko. Manhid lang ako sa nararamdaman ko sa kanya dahil si EJ pa rin ang hinintay ko. Mahal ko na pala siya noon pa.
Sabado na naman. Nakaraan na ang isang linggo at wala akong nabalitaan tungkol sa kanya. Masakit lang, narealize ko siya pala ang ‘ ideal man ’ na hinahanap ko. Ang pagkakaiba nga lang, siya ang lumapit sakin.
Sumariwa sa isipan ko lahat ng nangyari, sabado rin ng nakaraang linggo. Sa oras na yon naalala ko kung pano ang isang lalaki ay nakiusap at umiyak na ako ang dahilan. Masarap sa pakiramdam pero hindi ko lubos maisip.
Makaraan ang ilang oras may nagtext sakin. Lumabas raw ako ng kwarto.
Niyakap ko siya.
Pero di tulad ng dati wala nang nakiusap…
###############
|