Kinuha ko. Baka kasi burara lang talaga yung may ari. Isinuksok ko yung kulay maroon na panyo sa plastic bag ko ng PE props, at dalian ko rin shang nalimutan. Ang dami ko kasing dala nu’n e.
Mga dalawang araw ko ring hindi pinansin yung panyo. Pero, nung isang gabing dapat matutulog na ako pero iniisip pa rin kita, bumulaga siya sa isip ko. Lagi ka nga palang may panyo, baka sa iyo yun. Dali- dali kong kinalkal yung plastig bag ko ng PE props. Ayan nakuha ko na. Kulay maroon na may puting border. Hatinggabi na ata nu’n, pero nilaban ko ora mismo.
Hindi ko ginamit yung bareta. Hindi ko rin ginamit yung powder para sa washing machine. Ang ginamit ko, bath soap na mild. Baka kasi allergic ka sa mga matatapang na kemikal ng ordinaryong sabon. Hehe. Hindi ko pa nga siguradong iyo yun. Pero kahit na. Masaya pa rin ako dahil may pag uusapan nanaman tayo. Magpapasalamat ka sakin dahil binalik ko yung mamahalin mong panyo, tapos ngingitian mo ko.
* * *
Sabi ng kaklase kong kaklase mo rin, hindi raw tayo bagay. Siguro, inaasar lang niya ako dahil alam niyang crush kita. Sana nga. Pero ayun, hindi raw tayo bagay dahil mashado daw tayong pareho. Mirror- image daw. Parehong mahilig sa maingay na kanta, parehong mahilig mag drawing, parehong madaling araw na kung matulog. Hindi raw OK ang dalawang taong ganun. Pangit. Opposites attract, diba?
Naalala ko tuloy nung bago pa lang yung Weakest Link sa TV. Tuwing palabas yun, pinapanood natin tapos pinagti- tripan natin yung mga contestants na nauutal- utal. Iti- text ko yung pang- asar kong comment, tapos dadaigin mo. Ang galing mong manlait! Ang dami kong natutunan sa’yo!
Tapos, tapos na ang Weakest Link pero magkatext pa rin tayo. Kinukwentohan mo ko tungkol sa mga nabasa mong libro, tapos ako, kukwentohan kita tungkol sa mga pelikulang napanood ko. Astig. May isang gabi nga e, inumaga tayo. Pinasok ka na ng ermat mo sa kuwarto’t pinagalitan. Wala lang. Care Bears at He- Man lang naman ang pinag- “uusapan” natin. Minsan naman, pag bad mood ka, kukwentuhan mo ko tungkol sa heaven and hell at sa ultimate good and evil. Ang bigat pero oks lang. Ikaw naman yun, e.
Pero dati yun. Luma na Weakest Link ngayon e, si Allan K na nga ang host. Hindi ka na nagrereply sa mga text ko dahil, ewan. Siguro nagtitipid ka.
May isang beses nga, hindi mo ako pinansin ng mga isang linggo. E di muntikan na akong masiraan ng ulo. Inemail kita. Wala pa rin. Tatlo pang araw ang inintay ko (ang lupit mo, magkaklase tayo pero isa’t kalahating linggo mo kong hindi pinansin!). Sa wakas! Nagreply ka! Wow, abot tenga ang ngiti ko, ang haba kasi ng reply mo! Kuwento ka ng kuwento tungkol sa kung anu ano, yung teacher mong ayaw kang bigyan ng grade, yung maid niyong mahilig mang himasok sa buhay mo at yung mga taong nakakasira ng “diskarte” mo.
Sana hindi ako yun.
Masaya. Magka email na tayo. Wala namang pinagkaiba sa text dahil hindi pa rin kita makita’t marinig at madalang ka ring magreply. Pero, oks lang uli. It’s another way to your heart naman.
* * *
Inemail mo ako nung isang araw. Sabi mo kanta. Sabi mo death metal. Sabi mo mag eenjoy ako.
Hindi ko pinakinggan agad- agad. Ilang buwan na rin kasi tayong hindi nag tetext, sa mga buwan na yun sinubukan kong kalimutan ka. Sabi kasi nung mgakaibigan ko, puro gulo’t sakit ng ulo lang daw ang dala mo. Oo nga naman. Mahigit kumulang isang taon kong pinagnilay- nilayan ang mga posibilidad sa’ting dalawa. Isang lalaki, isang babae, secret friends sila. Magkasundo naman tayo diba? Sa email. Bagay naman tayo diba? Sa text.
Siyempre, hindi ko rin natiis. Nasa internet café nga ako nung pinakinggan ko yung kanta. Inintay ko yung sigaw na pambungad, o di kaya’y yung kalabog ng drums. Wala. Biglang may lumabas na graphics. Angel, tapos pusong tumitibok- tibok.
“You’re my honeybunch, my sweet cake…You’re my sweety pie… the apple of my eye.”
Paulit- ulit lang. Paulit- ulit lang. Paulit- ulit.
Walang sumigaw ng “oi- oi- oi”. Wala ding “pow- hu- hu- pow”.
* * *
Umiyak ako sa MRT. Konti lang naman. Bigla kasi akong naguluhan e, nagulat. Posible ba? Gayong, mahigit kuulang isang taon kong sinabihan ang sarili ko na huwag akong umasa. Baka naman gawa gawa lang ‘to ng isip kong sabik sa’yo? Hmmm… pwede. So nagdrama ako ng konti pa.
Tinext kita nung gabing ‘yon. Napakinggan ko na yung kanta. Astig. Paki explain (pa simple pa ako).
Himala, nag reply ka. “Harkhark. Tuwang- tuwa talaga ako jan. Hebi metal daw ano? Hahaha. Ano ieexplain?”
Saka ko natutunan na lahat ng ginagawa mo ay dapat kong intindihin ng face value lang. Harkhark. Ano nga naman ba ang kelangan mong iexplain? Joke diba? Mag- eenjoy ako! Ang labo ko nga naman.
Buti na lang nagpasimple ako. Madaling lusutan. “Ah. Kasi hindi ko na tinapos. Akala ko may hebi metal talaga sa dulo.”
Gago.
Nagdrama pa’ko ng konti pagtapos no’n. Sabi ko na nga ba e, imposible. Bakit pa kasi ako umasa- asa at the last minute? Ilang bese mo na ba ginawa yan dati? Ilang beses ka na bang nagtext ng pasaring at nag email ng tula? Marami. Ano naman ang kinaiba ng baby_song na ipinadala mo? Wala.
Siyempre akala ko naka jackpot ako sa’yo. Akala ko tama lang na inintay kita, na eto na yung senyales na “like” mo rin ako. Kawawawang bata, akala mababaw lang yung tubig, 12 ft. pala. Tumalon, tigok, tanga. Hindi pala marunong lumangoy.
Sabi nga ng ate ko, hayaan na raw kita. Suwerte pa raw ako dahil at least ako babae, mas madaling umiyak at maglabas ng sama ng loob. E ikaw, lalaki, diyahe. Marami raw kayong repressed material sa katawan.
O sige, hahayaan na kita, ako rin naman ang dapat sisihin. Pero gago ka talaga! Medyo masakit yung joke mo ha, hindi nakaaktawa! Pinaglaba pa naman kita ng panyo, ginawan ng reviewer sa history exam natin at pinagtanggol sa lahat ng nagsasabing mukha kang serial killer. Pag nakahanap ka ng katapat mo, iiyak ka rin! Mauubusan ka rin ng panyo.
############### Walang kuwentong hindi hango sa tunay na buhay. |